Katulad ng maraming alamat, ang kasaysayan ng Lodlod ay nag-ugat pa noong taong 1865. Kung paano ito tinawag na “MALALIM NA LODLOD” noong panahong iyo’y maipaliliwanag ng likas na kaanyuan ng lupa nito na hanggang sa ngayon, pagkalipas ng maraming taon ay nanatili. Ang lugar na ito ay bulubundukin; gulod-gulod at may daang lusungin lalo na sa bahaging kanluran ng simbahan. Mapaghihinuhang ang gulod-gulod na lugar, sa pagdaraang panaho’y tinawag na Lodlod. Sinasabing ang mga unang mamamayan ng lugar itong biniyayaan ng matabang lupa’y unang pinamayanan ng mga pamilya ng Lingao, Mayor, Lojo at Maralit. Ang mga mamamayang likas na masisipag ay nagsaka’t nagtanim ng mga halamang angkop sa klima katulad ng kape at niyog. Nagtanim din sila ng sinturis at tubo. Himigit-kumulang sa siyam na iluhan ng tubo or “mulino” ang naitayo sa iba’t-ibang bahagi ng nayon. Samantala, ang mga kababaihan ay naghabi ng tapis at husi na iniluluwas naman ng mga kalalakihan. At palibhasa’y talagang mahilig sa negosyo at nakatuon ang pansin sa pag-unlad, hindi lamang pagtitinda ng mga hinabing damit ang naging gawain noon. Lalo sa panahong tapos na ang taniman, sila’y nagdadala ng mga inalagaan nilang baka at kabayo sa Maynila. Di kataka-takang ang Lalawigan ng Batangas noon pa man ay kilala na sa karneng baka at matutuling kabayo, gayundin sa mga pananim nitong kape at sinturis. Tunay na masasabi nating mahalaga ang nagging ambag ng ating mga ninuno sa panlalawigang pagkakakilanlan. Ilan sa mga natatanging katangian ng mga tao noon ay ang pag-ibig sa kalayaan at pagnanais lumaban kung kinakailangan. Ang pagiging mapagbigay ay ipinakita ni G. Guardiano Lingao sa pagpapaubaya ng may kalahating ektarya ng kanyang lupa upang pagtayuan ng paaralan. Patunay din itong likas ang pagpapahalaga nila sa katarungan. Sinasabing ang nayong ito ang kauna-unahang nagkaroon ng kumpletong paaralang elementarya sa mga baryong nasasakupan ng Lipa. Ang likas na anyong lupa’y may iba pang lakip na biyayang malakas na bukal ng mga balong noo’y pinagkukunan ng tubig ng marami. |