 | | FERNANDO AFABLE of Tanauan, Batangas invites everyone in celebrating the opening of FOTO BARYO, it exhibits students' works from the Tanauan, Parañaque, and Sagada projects, shown together at the Tanauan premises. | | |  |
| |
| Oil exploration sa Mindoro-Cuyo Basin, Tinutulan Ulat ni Bongbong B. Marquez November 2008 | SABLAYAN, Kanlurang Mindoro- Tutol ang iba’t-ibang sektor, mga apektadong pamayanan at simbahang Katoliko sa panukalang oil exploration ng Pitkin Petroleum Ltd. (PPL) sa may Mindoro-Cuyo Basin.
Ang nasabing eksplorasyon na sumasaklaw sa 645,000 ektaryang bahagi ng karagatan at baybaying dagat ng Mindoro ay iginawad ng Department of Energy sa PPL sa ilalim ng Petroleum Service Contract No. 53.
Nagkakaisa ng opinyon ang mga lokal na opisyales gaya ni Konsehal Albert Corsame ng Barangay Sta. Lucia; Elbeto de la Cruz, Jr. at Kapitan Danilo Manuel, Sr. ng Barangay General Emilio Aguinaldo, na bagaman may malaking pangangailangan sa langis ang bansa ay hindi napapanahon ang isasagawang eksplorasyon.
Ito’y lalo’t wala aniyang malinaw na mekanismo ang proyekto para tiyaking hindi ito makasisira sa kalikasan.
Nababahala rin ang nasabing mga opisyal sa umiiral na patakaran sa bansa. Isang halimbawa na lamang nito aniya ay ang pagkuha ng depositong langis sa lalawigan ng Palawan na sa halip na pakinabangan ng mga Pilipino at makatulong sa pagpapatatag ng ekonomiya ay “banyagang mga bansa pa ang siyang nagpapakasasa.”
Hindi aniya maaaring sumugal ang mga apektado sa ganitong proyekto kapalit ng pangakong pakinabang na hindi naman maaaring panghawakan.
Bagamat hindi saklaw ng 25 taong moratoryum sa pagmimina sa Sablayan ang oil o natural gas exploration, binigyang-diin ni Vice Mayor Eduardo Gadiano na dapat pag-aralan itong mabuti at suriin ang magiging implikasyon nito sa kalikasan, kabuhayan ng mga magsasaka, pangisdaan at kabuuang kontribusyon nito sa ekonomiya.
Dapat din umanong magkaroon ng masinsinang pag-analisa sa pakinabang ang magiging pinsala.
Nagpahayag din ng pagtutol ang simbahan sa isasagawang oil exploration ng PPL.
Ayon kay Fr. Anthony Tria, tagapag-ugnay ng Vicarial Indigenous Peoples Apostolate Coordinating Office ng Apostoliko Bikaryato ng San Jose, “katumbas ng pagpapahalaga sa buhay ng tao ang pangangalaga sa kalikasan.”
Aniya, ang oil exploration and operation ay maaari sumira sa kalikasan sa lalawigan ng Mindoro.
Upang masiguro ang pangangalaga sa kalikasan sa lahat ng panahon, ayon kay Atty. Ronaldo Gutierrez ng grupong Upholding Life and Nature, mainam na huwag payagan ang oil exploration “dahil hindi maiiwasan ang polusyong idudulot nito.”
Ganito rin ang pagtingin ng grupong nangangalaga sa kalikasan ng Mindoro.
Ayon kay Kapitan Juanito Esteban, Jr. ng Barangay Pag-asa, hindi pa napapanahon ang pagmimina sa Mindoro, anumang mineral at paraan sapagkat ang teknolohiya at batas kaugnay nito ay bumabangga sa likas kayang pag-unlad at proteksyon ng kalikasan.
Para naman kay DOE Acting Director Ismael Ocampo ay dapat suportahan ng mga mamamayan ang programang ito ng pambansang pamahalaan dahil ito ang magsasalba sa kinakaharap na krisis sa langis ng bansa. |
| |
| Balitang hatid ng:
 |
| |